Napakalaking problema na talaga ng traffic ngayon sa Pilipinas, kaya nga sa bawat presidential at vice-presidential debates laging natatanong sa ating mga hopefuls kung ano ang kanilang mga gagawing hakbang upang malutas ang problemang ito kung sakaling sila ang maluklok sa puwesto. Ang hirap isipin kung ano ang solusyon sa malalang trapik sa lungsod, ngunit ito ang isa sa mga napagtanto ko: mas malala itong nangyayari sa lungsod. Bukod kasi sa sobrang dami ng tao, marami na ring mga diskwentong makukuha kapag bibili ka ng sasakyan, kaya parami sa ating mga kababayan ang naaakit ng bumili para hindi na makipagsiksikan pa sa jeep at LRT.
Para sa akin, kahit na hindi ka pulitiko o public servant, gumawa o mag-isip pa rin tayo ng paraan kung paano natin malulutos ang problemang ito. Siguro nga, masasabi nating maaari itong simbolo ng pag-unlad ng bansa. Ngunit habang ito’y nagpapakita ng improvement, pwede rin naman siguro natin itong maibsan, para naman ma-enjoy natin ang “best of both worlds”.
Magsimula tayo sa ating mga public transportation. Naniniwala akong kung mas maayos ang sistema ng ating mga trains (PNR, LRT1, LRT2, MRT3), mas gaganahan ang nakakarami na mag-commute na lamang kaysa makipagsiksikan pa sa ating mga kalsada. Nakita naman natin sa ibang mayayamang bansa gaya ng Singapore at Japan, walang problema sa mga tao ang pagsakay sa mga train dahil hindi naman pahirapan.
Pangalawa, dapat ay maging mas masugid ang ating mga MMDA sa pagsaway at pagpapaalis sa ating mga illegal vendors na malaki ang nasasakop sa kalsada. Ang kadalasan kasing nangyayari ay sakop na ng mga vendors ang sidewalk at ilang parte ng mga kalsada, kaya naman ang mga naglalakad ay halos sa gitna ng kalsada na dumadaan. Nakakasanhi tuloy ito ng mga aksidente, at mas nababawasan ang espasyong dadaanan sana ng mga sasakyan. Iwasan din at taasan ang multa sa mga may-ari ng mga sasakyang nakaparada sa kalsada.
Engganyuhin din natin ang mga malalaking kumpanya na may-ari ng mga mall, call centers at main offices na magtayo pa ng mas maraming branches sa labas ng Metro Manila. Maaari ring ilipat ang ilang government offices sa labas ng lungsod upang mabawasan ang mga lumuluwas pa pa-Maynila para pumasok sa trabaho.
Panghuli, it all boils down to discipline and willingness na makatulong sa paglutas ng problemang ito. Magsimula sa mga simpleng bagay: kung malapit lang naman ang pupuntahan, maglakad na lang o mag-bike, kung coding ang sasakyan, wag nang piliting gamitin dahil dadagdag ka lang sa iintindihin ng mga MMDA officers. Maraming paraan. Masosolusyunan ito kung magtutulong-tulong tayo. Simulan mo na kahit sa pinakamaliit na paraan.
No comments:
Post a Comment