Monday, April 11, 2016

Bakit si Leni?



Kulang-kulang isang buwan pa bago ang eleksyon, mahaba pa ang panahon para mag-isip kung kanino natin ipapataw ang napakabigat na responsibilidad ng pagpapatakbo ng ating bansa. Marami pa tayong mga mababasang pampabango ng pangalan o di kaya nama’y mga black propaganda laban sa ating mga napupusuang kandidato, at marami pang maaaring maganap upang magbago ang ating desisyon kung sino ang ating iboboto sa eleksyon sa Mayo 9.

Sa kabila nito, masasabi kong buo na ang aking desisyon. Alam ko sa sarili ko kung sino ang aking pagkakatiwalaang maging pangalawang pinuno ng ating bansa.

Para sa akin, siya ang tunay na nagrerepresenta ng mga adhikaing nais ipagpatuloy ng “daang matuwid”. Nagsimula siya bilang isang manananggol para sa mga mahihirap. Nakakabilib lamang na maaari naman niyang gamitin ang kanyang galing at talino para sa mga malalaking kumpanya, mas malaki ang kikitain niya roon, ngunit sa halip ay inilaan niya ang kanyang galing at talino upang tulungan ang mga tunay na nangangailangan.

Naniniwala akong ang malawak na karanasan niya bilang isang abugado ay isang malaking lamang sa kanyang mga kalaban. Isa pa, bilang siya’y laking probinsya, sanay siya sa simpleng pamumuhay. Sanay siyang makihalubilo sa mga kababayan nating nasa laylayan ng lipunan. Dahil sa kanyang libreng pagtulong bilang tagapagtanggol ng mga mahihirap, alam na alam niya kung ano ang pangangailangan at pinaglalaban ng mga ito; mayroon din siyang sapat na kaalaman kung paano tutulungan at masosolusyunan ang mga hinaing ng ating mga kababayang nasa malalayong probinsya.

Kung sabagay, ito rin naman ang kanyang layunin: ang gamitin ang kanyang karanasan at kaalaman upang tulungan ang mga “underprivileged”. Kung papalaring manalo, naiiba siya sa mga nakaraang nasa posisyon na galing sa mga mayayamang angkan, o kaya nama’y parte ng mga political clans. Nagsimula siya sa ibaba, kaya naman sisiguruhin niyang bibigyan niya ng boses at importansya ang mga nasa ibaba ng social triangle.

Nagsimula naman siyang pumasok sa pulitika bilang representante ng ikatlong distrito ng Camarines Sur noong 2013. Kanyang matagumpay na naipasa ang National Food Security Bill of 2015, Anti-Discrimination Bill of 2013, People’s Participation in Budget Deliberation Bill, People Empowerment Bill of 2014, Healthy Beverage Options Bill, Full Disclosure Bill at ang Freedom of Information Bill. Oo, bago lamang siya, ngunit mapapansing tunay niyang ginagawa ang kanyang trabaho at hindi niya ginagamit lamang ang posisyon para sa mga maling gawain.


Hindi perpekto si Cong. Leni Robredo, ngunit kung pagbabasehan ang kanyang karanasan at mga nagawa na, masasabi kong siya ang pinakanararapat na iboto para sa pangalawang pinakabigat na posisyon sa ating bansa. Ipagkatiwala natin ang pagpapatakbo ng Pilipinas sa mga taong may tunay na malasakit at kagustuhang tumulong.

No comments:

Post a Comment