Saturday, April 16, 2016

Ano nga Ba ang Tsinelas Leadership?

Karaniwang makikita sa bawat tahanang Pilipino ang mga tsinelas, na tinatawag din ng iba na bakya, step-in, at iba pa. Ito ay iyong mga sapin sa paa na ginagamit upang maiwasan ang mga gasgas, sugat at paltos sa ating mga talampakan habang naglalakad.
Ngayong nalalapit na ang halalan, madalas nating naririnig sa balita o nababasa sa mga dyaryo ang katagang "tsinelas leadership". Ang tanong ng ilan, ano ba ang ibig sabihin at ipinaglalaban ng mga katagang ito?
"Tsinelas leadership ang tawag sa klase ng pamumuno ng yumaong dating DILG Secretary Jesse Robredo, na nais naman ngayong ipagpatuloy ng kanyang maybahay, ang ngayong tumatakbong bise-presidente sa ilalim ng Liberal Party na si Cong. Leni Robredo. Tsinelas leadership ang naging bansag sa pamumuno ng yumaong Robredo dahil ang tsinelas ang sumisimbolo sa kanyang pamamahala.
Noong libing ng dating DILG secretary, si Foreign Affairs Secretary Rene Almendras ang napiling magbigay ng eulogy. Bukod sa pagbibigay-pugay sa mabuting loob at magandang pakikitungo ni Robredo sa kanyang mga kaibigan at nasasakupan, ginawa niya rin itong oportunidad upang ipaliwanag ang tsinelas leadership.
Aniya, ito ay ang bukal sa loob o willingness na lumusob sa baha, ang kagustuhang pumunta sa mga malalayo at masusukal na lugar upang tulungan ang mga nangangailangan. Mas komportable nga namang gamitin ang tsinelas kung susuong ka sa bagyo at baha. Dahil isa si Robredo sa mga walang sawang pumupunta sa mga malalayong lugar upang tumulong, ito na rin ang simbolong dumikit sa kanyang pangalan.
Isa pang nirerepresenta ng tsinelas leadership ay ang pagpapakumbaba. Mas kilala ang tsinelas bilang ginagamit ng masa, hindi ng mga maykaya sa buhay. Sa pamamagitan ng pagsusuot ng tsinelas ng mga public servant, kahit papano ay nawawala ang gap sa pamamagitan ng mga nasa tuktok at nasa ilalim ng social triangle. Mas nagiging komportable ang masa kapag nakikitang simple lamang at parang kapantay lamang nila ang kanilang kinikilalang leader.
Ang tsinelas leadership, ika nga ni Sec. Almendras, ay back-to-basics, base level transformation. Ito ay tungkol sa simpleng pag-iisip at paggawa ng solusyon sa bawat problema. Ito ay mas nagfo-focus sa nakararami ang mga mahihirap. Ito ay may layong magpatakbo ng isang gobyernong walang arte, walang komplikasyon, kundi pagbibigay ng simpleng tulong at solusyon. Ito ang nais ipagpatuloy ng kanyang asawang si Cong. Leni Robredo.
Si dating DILG Secretary Jesse Robredo ay isang mabuting public servant na maraming natulungan at tunay na may nasimulan. Ang mga nasimulan niyang ito ang dapat ipagpatuloy nationwide, at mangyayari lamang ito sa pamamagitan ni Cong. Leni Robredo bilang bise-presidente, ka-tandem si dating DILG Secretary Mar Roxas.

No comments:

Post a Comment