Wednesday, April 20, 2016

Puso Para sa Bayan

Sa dinami-rami ng pinagdaanan ng ating bansa nitong nakaraang mga panahon, sa mga bagyo at bahang ating sinugod, sa mga aksidenteng bumawi ng buhay ng ilan, at marami pang mga pangyayaring bumago sa ating mga buhay, marahil ang iba ay nawawalan na ng pag-asa. Pag-asang mas gumanda ang buhay, pag-asang makaahon, o kaya nama’y pag-asang makabalik sa dati. Hindi ko kayo masisisi, ngunit wag nating kakalimutan na maging positibo, at kumilos nang iniintindi ang ating bansa at mga kababayan.

Dahil may kanya-kanya tayong hinaharap sa buhay, nawawalan na tayo ng pakialam sa mga nangyayari sa labas ng ating mga tahanan. Gayunpaman, wag nating kakalimutan na malapit na ang eleksyon. Malapit na tayong magdesisyon kung kanino natin ipapataw ang mabigat na responsibilidad na pagpapatakbo ng ating bansa. Hindi sana mawala sa ating isipan na malaki ang parteng ating gagampanan sa magiging kinabukasan ng ating bansa sa susunod na anim na taon. Kung hindi tayo makikialam at hindi natin pag-aaralan ang plataporma, hangarin at plano ng ating mga presidentiables, para na rin nating sinabing wala tayong pakialam sa ating bayan, na wala ang puso at isip natin sa ikagaganda ng Pilipinas.

Ang mapiling pagboto ay isa sa mga mahahalagang paraan para ating maipakita ang ating pagmamahal at pagmamalasakit sa bayan. Ang paglalaan ng panahon at mabusing pagpili ng iboboto sa nalalapit na halalan ay isang malaking tulong na sa bayan. Wag tayong makisunod sa uso. Wag tayong maniwala agad sa mga nakikita natin sa social media. Gamitin natin ang ating talino at critical thinking skills para makagawa ng sariling desisyon.


Maniwala tayong mananaig ang pinili ng nakararami, at kapag nangyari ito, gawin natin ang lahat upang maging mabubuting mamamayan. Kagaya nga ng madalas na nasasabi na ang ilan, disiplina ang susi sa ikauunlad ng bayan. Magsimula tayo sa mga maliliit na bagay, at sa ating mga sariling paraan ay patunayan nating ang ating puso at isipan ay para sa ikabubuti ng ating bayan.

No comments:

Post a Comment